Taniman ng marijuana, nadiskubre sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2020 11:40 PM

QUEZON, Isabela - Sinalakay ng mga awtoridad ang taniman ng marijuana sa Sitio Dat-Ayan ng Barangay Minagbag sa bayan ng Quezon noong Sabado ng hapon.

Ayon kay Police Cpt. Rouel Mena, hepe ng Quezon Police Station, nasa bulubunduking bahagi ang taniman ng marijuana na may humigit-kumulang 7,000 square meter ang lawak.

Nakatanim dito ang 21 puno ng marijuana na agad naman binunot ng mga pulis. Pero hinala nila ay tira na lamang ang mga ito.

“Malamang yung iba ay na-harvest na po kasi previously meron kaming information na sa banda doon ay may mga naitanim na rin. Yun nga lang when we conducted operation last April this year, we were not able to hit o kaya hindi namin natumbok yung nasabing lugar at ang napuntahan namin noon ay sa kabilang bundok lang,” ani Mena.

Ayon naman sa Philippine Drug Enforcement Agency Region 2, nagkakahalaga ng P200 ang kada puno ng marijuana kaya aabot sa P4,200 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiska.

“Kung hindi lang naunahan tayo, mas malaki sana nakuha natin sa plantation. But more importantly it will prevent the cultivator of that portion dahil nabunyag na yung gawain niya,” ani Police Col. James Cipriano na director ng Isabela Police Provincial Office.

Hindi rin isinasantabi ng awtoridad na sa nadiskubreng plantasyon galing ang nakumpiskang halos anim na kilong marijuana noong Abril.

Iniimbestigahan ngayon ang isang lalaki na sinasabing nangangalaga sa marijuana plantation.

“Yun na rin po ang binigay ng ating confidential informant na pangalan at sa aking pag-iimbestiga doon sa paligid-ligid ng nasabing lugar ay tumpak po yung ibinigay na pangalan,” dagdag ni Mena.

Napag-alaman din ng awtoridad na dumadayo lang sa Quezon at nakatira sa katabing probinsya ng Kalinga ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.