Pinoy seamen na stranded sa China tutulungan ng OWWA

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2020 04:54 PM | Updated as of Jun 21 2020 07:05 PM

Watch more in iWantTFC

Tutulungan ng Overseas Workers Welfare Administration na makauwi ng Pilipinas ang mga Pinoy seaman na ilang buwan nang stranded sa China.

Halos 3 buwan nang hindi makababa ng barko ang mga seaman na nasa mga lungsod ng Zhangzhou at Fuzhou sa probinsiya ng Fujian. 

Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, ipinagbabawal ng gobyerno ng China na bumaba ng barko ang mga dayuhang seafarer bunsod ng paghihigpit dahil sa COVID-19.

Nakikipag-ugnayan na umano ang OWWA sa embahada ng Pilipinas sa Beijing at konsulado sa Xiamen para mabigyan ng agarang tulong ang mga Pinoy seaman at masimulan na ang proseso ng pagpapauwi sa kanila.

Sinabi naman ng Philippine consulate sa Xiamen na nakikipag-ugnayan sila sa Department of Foreign Affairs at naghihintay ng gabay mula sa ahensiya.

Ayon sa mga seaman, nangangamba silang maubusan ng pagkain sa barko at magkasakit dahil malayo sila sa mga pagamutan.

Ayon kay Roland Acejo, isa sa mga seaman, wala silang sinasahod at hindi rin sila iniintindi ng kanilang agency.

May pananagutan ang manning agencies ng mga Pinoy seaman dahil responsibilidad nila ang pagpapasahod at pagpapauwi sa mga seafarer, ayon kay Cacdac. -- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.