Pandemya at lockdown, dagdag pasanin sa maraming ama

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2020 07:53 PM

Tuloy na ulit sa pagtitinda ng buko sa Quezon City si Judy Aganan para masuportahan ang mga anak. Pansamantalang natigil noong mga nakaraang buwan ang hanapbuhay dahil sa lockdown. ABS-CBN News

Dahil sa coronavirus pandemic, nawalan si Richard Guerrero ng trabaho bilang construction worker. Dagdag pa rito, napalayas sila ng kaniyang pamilya sa inuupahang bahay sa Dasmariñas, Cavite.

Pansamantalang nanunuluyan ngayon ang pamilya ni Guerrero sa Baclaran Church sa Parañaque.

"Mahirap po, lalo na sa pinansiyal, napakahirap po," ani Guerrero.

Kabilang si Guerrero sa mga naghihintay ng masasakyan pauwi ng Juban, Sorsogon.

Naging mapanghamon man ang pagsubok ng pandemya ngayong Father's Day, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Guerrero para na rin sa kaniyang mga anak.

"Dasal ko sana tayo ay makaraos dito sa parang hamon ng buhay. Sige lang nang sige, walang susuko," aniya.

Sa pagtitinda naman ng buko sa kanto ng C.P. Garcia sa loob ng University of the Philippines (UP) campus sa Diliman, Quezon City nasusuportahan ni Judy Aganan ang mga anak na nasa Iloilo.

Ilang linggong hindi nakapagtinda si Aganan dahil sa lockdown pero ngayon ay unti-unti na siyang bumabangon.

"Ang hirap talaga mawalan ka ng kita nang ilang linggo," sabi ni Aganan.

Inspirasyon naman ni Ardie Lopez, alumnus ng UP fine arts, ang kaniyang anak na doktor para malikha niya ang awiting nagsilbing tribute para sa medical frontliners.

"Palagi kang nangangamba 'pag lalabas siya, makakauwi pa ba siya, dahil expose[d] siya sa maraming posibleng may dala ng virus," ani Lopez.

May pamagat na "I'll Hold The Line" ang komposisyon ni Lopez, na siya ring umawit.

Nilapatan ng music video ng UP System ang kanta bilang pagpupugay sa frontliners.

Sa Maynila, halos 50 tricycle driver ang nabigyan ng relief goods ng grupong People for Accountable Governance and Sustainable Action (Pagasa) ngayong Father's Day. -- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.