Mga dagdag na city bus, modernong jeep aarangkada simula Lunes

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2020 06:44 PM

Watch more in iWantTFC

Balik-pasada simula Lunes ang mga bus at modernong jeep bilang bahagi ng ikalawang phase ng pagbabalik sa kalsada ng mga pampublikong sasakyan ngayong may COVID-19.

Nasa 4,600 na city bus at 1,500 na pampasaherong jeepney ang magbabalik-pasada pero hindi lahat sa bilang na ito ay sabay-sabay papasada sa Lunes, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority.

Ayon pa kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, hindi muna makakabiyahe ang mga UV Express.

"Unfortunately, may adjustment lang sa UV Express. Mayroon lang silang ibibigay na permit," ani Pialago.

Ang mga magbabalik na bus ay ide-deploy sa dating ruta ng mga jeep para hindi na sila dumagdag sa mga pangunahing kalsada tulad ng EDSA.

Pero hindi gaya ng dati, hindi na puwedeng kahit saan magsasakay at magbababa ng mga pasahero ang mga bus.

Istriktong sa mga bus stop lang ang loading at unloading ng pasahero.

May 15 ruta namang binuksan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa mga modern jeep na papasada.

Ang mga tradisyonal na jeep ay hindi pa rin papayagang mag-operate. Wala pa ring katiyakan kung kailan sila muling makakapasada.

Pinag-aaralan pa ng pamahalaan kung kailan muling makabibiyahe ang mga tradisyonal na jeep. -- Ulat ni Bianca Dava ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.