PatrolPH

Halos 500 taga-Visayas na na-stranded sa Metro Manila, pauwi na

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2020 02:33 PM | Updated as of Jun 21 2020 06:41 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Pauwi na ngayong Linggo sa kani-kanilang mga probinsiya sa Visayas ang halos 500 indibidwal na na-stranded sa Metro Manila dahil sa lockdown.

Nagsimula nang bumiyahe mula sa pier sa Maynila ang barko ng Philippine Navy na maghahatid sa mga locally-stranded individual (LSI).

Kumpleto sa protective gears ang mga tauhan ng Navy na nag-assist sa mga LSI, at tiniyak ding nasusunod ang health protocols sa pagbiyahe. 

Ihahatid ang mga pasahero sa mga pantalan sa Cebu at Iloilo.

MGA KINUKUPKOP NG ARMY NADAGDAGAN

Samantala, nadagdagan pa ang bilang ng mga stranded na indibidwal na kinukupkop ng Philippine Army sa kanilang gymnasium sa Taguig City.

Ayon kay Army Spokesperson Lt. Col Ramon Zagala, umabot na sa 364 ang kabuuang bilang ng mga LSI na kinupkop nila.

Nilinaw naman ni Zagala na temporary shelter lang ang sagot ng Army para sa mga LSI na may ticket at naghihintay ng mga flight.

Sa mga nagpupunta na walang ticket sa kanilang headquaters, inihahatid sila ng mga sundalo kung saan man nanggaling. 

"This is an order from the President... it is to provide assistance to those in transit while waiting for their flight," aniya.

Noong gabi ng Sabado, maraming LSI ang nag-abang sa bangketa sa labas ng compound ng Army headquarters pero hindi sila pinapasok dahil sa dami ng tao sa gym.

Naglagay na lang ng mga tent sa labas ng gym para may matulugan ang mga hindi nakapasok.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.