55 pasahero ng barko mula Cebu, hindi pinayagang makababa sa Iloilo

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2020 06:11 PM

ILOILO CITY - Hindi pinababa sa port of Iloilo ang 55 pasahero ng isang barkong galing sa Cebu nitong Linggo.

Alas-10 ng umaga nang dumating sa pantalan ang barko na sakay ang mga umano'y locally stranded individuals galing Cebu. Pero dahil sa standing order ng Department of Interior and Local Government na ipinalabas noong Hunyo 19, hindi pinayagang bumaba ng Philiipine Coast Guard Iloilo at Iloilo Provincial Government ang mga pasahero.

Kinumpirma naman ni PCG Iloilo Station Commander Joe Luviz Mercurio na natanggap ng PCG Region 7 ang DILG order kagabi pero huli na raw dahil nakaalis na ang barko sa Cebu at alanganin nang bumalik.

Nanindigan naman si Iloilo Province Governor Arthur Defensor Jr. na hangga't walang official letter at imbestigasyon mula sa Regional Task Force kung paano napayagang bumiyahe ang naturang barko mula sa Cebu, hindi niya papayagang bumaba ang mga pasahero.

Nalamang patuloy na dumodoble ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Cebu kaya ipinatigil ng DILG ang ano mang transportasyon mula Cebu.

Ayon naman kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, pahihintulutan niyang bumaba ang mga taga Iloilo City lang.

Pero kumokontra ito sa pahayag ni Mercurio dahil ayon sa kaniya, susundin nila ang standing order ng DILG na bawal muna ang mga biyahe mula Cebu.

Nananawagan naman ang mga pasahero sa mga concerned government agencies na magdesisyon na para malaman nila kung ano kanilang magiging disposisyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.