132 BFP-Region 6 staff negatibo sa COVID-19

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2020 12:12 AM

Kinumpirma ng Bureau of Fire Protection-Western Visayas na 132 sa 196 na staff nito ang nagnegatibo sa COVID-19.

Ayon kay Fire Senior Insp. Stephen Jardeleza, tagapagsalita ng BFP-Region 6, 103 BFP personnel ang nagnegatibo sa rapid test nitong Sabado.

Sa first batch ng test results noong Biyernes, sa 196 na na-contact trace ng Department of Health (DOH), 29 ang nagnegatibo rin sa sakit.

Ayon kay Jardeleza, kasama sa nagnegatibo sa test ay si BFP 6 director Senior Supt. Roderick Aguto na sinibak matapos ang salo-salo ng kaniyang mga tauhan sa Boracay, kung saan ang isa sa kalauna'y nalamang may COVID-19 pala.

Nagnegatibo rin sa test ang Iloilo City fire marshal at 2 colonel na ni-relieve din ng BFP national headquarters.

Inaasahan ng BFP-Region 6 na lumabas na ang test results ng 64 pa na kinuhanan ng swab samples para unti-unti nang makabalik sa normal operation ang ahensiya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.