13 bagong kaso ng COVID-19, naitala sa Negros Occidental, Bacolod City

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2020 09:49 PM

BACOLOD CITY - Labindalawang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang naitala sa lalawigan ng Negros Occidental, habang may isang bagong kaso rin sa Bacolod City.

Base sa Case Bulletin No. 87 ng Western Visayas Center for Health and Development na inilabas nitong Linggo, isang 26 anyos na babaeng locally stranded individual mula Maynila at 30 anyos na lalaking LSI galing din sa Maynila ang nagpositibo sa COVID-19. 

Pareho silang asymptomatic at nanatili sa provincial quarantine center.

Naka-strict home quarantine naman ang 33 anyos na babae na taga-Himamaylan. Galing rin siya sa Maynila at kasalukuyang asymptomatic.

Nitong Sabado, may siyam ang nadagdag na COVID-19 cases sa probinsya.

Tatlo ang mga repatriated overseas Filipino workers at 6 ang mga LSIs kung saan 4 ang mula Cebu at 2 ang bumiyahe mula Maynila.

Agad naman iniutos ng Department of Interior and Local Government ang temporary travel ban galing at papuntang Cebu City.

Kasalukuyang may 40 na COVID-19 cases sa Negros Occidental.

Samantala, isang 23 anyos na lalaking seafarer ang nagpositibo naman sa COVID-19 sa Bacolod City.

Nauna nang naospital ang nasabing pasyente sa Brazil dahil sa COVID-19 noong Abril.

Hunyo 10 nang dumating siya sa Maynila at agad nai-quarantine sa isang hotel.

Muli siyang nagpositibo sa COVID-19 nang bumalik siya sa Bacolod City base na rin na kaniyang RT-PCR test.

Nasa quarantine facility pa ang naturang seafarer.

Nasa 28 na ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Bacolod City kung saan 17 na ang gumaling.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.