Programa para sagipin ang 'solvent kids' sa kalye inilunsad

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2019 08:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang programang layong sagipin ang mga batang nagso-solvent sa lansangan ang inilunsad ngayong Biyernes ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Balak ipatupad sa buong bansa ang "Sagip Batang Solvent Reformation" pero sa ngayon, sa Quezon City muna ito inilunsad.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, hindi malayong masangkot ang mga bata sa iba't ibang krimen kapag hinayaang nagso-solvent.

"There's a vicious cycle of rescuing children but unfortunately, there's no specific program that handles children," ani Aquino. 

Sa ngayon, may 28 menor de edad nang isinalba ang PDEA at ipinasok sa mga reformation center.

Sa loob ng ilang buwan, sasailalim ang mga bata sa counseling, values formation at iba pang educational activities para makapagbagong buhay.

Puwede ring boluntaryong ipasok ng mga magulang ang kanilang mga anak, ani Aquino.

Mula 2016, aabot na sa 2,342 menor de edad na sangkot sa ilegal na droga ang nasagip ng PDEA. Pinakabata umano rito ay 4 taong gulang.

BAGONG MODUS

Ibinunyag din ni Aquino ang bagong modus na paggamit umano sa mga pribadong seaplane para makapagpuslit ng droga sa bansa.

Gumagamit umano ang mga sindikato ng mga private seaport at airstrip sa bansa para sa makapagpuslit ng droga. 

"They use seaplanes landed in Palawan, kinarga nila 'yong maybe half a ton of drugs floating in the sea. These are actually shabu and not cocaine," ani Aquino.

Nakatakdang magpulong ang PDEA kasama ang iba pang law enforcement agencies para bumuo ng task force sa susunod na linggo.

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.