Pekeng abogado arestado sa Tacloban

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2019 10:02 PM

Timbog ang isang pekeng abogado sa entrapment operation ng mga awtoridad sa Tacloban City nitong Huwebes.

Ayon sa NBI, nangako umano ang suspek na si Donald Gapol sa kaniyang mga nabiktima na tutulungan sila sa kanilang kaso.

Dagdag ng ahensiya, may napalabas na rin sa kulungan si Gapul dahil sa paggawa nito ng pekeng release order.

Nalaman din ito ng korte kaya naibalik ang preso sa kulungan.

Ipinakita rin ng suspek sa kaniyang mga nabiktima ang isang pekeng ID ng Korte Suprema gamit ang pangalang Attorney Donald Gapol.

Pero nagpapakilala rin umano ang suspek bilang Attorney Ronaldo Veloso.

Nakompiska ng NBI ang isang lighted signage ng kaniyang opisina at ilang pekeng dokumento gamit ang pangalang ito.

Sa ngayon, 5 na ang nabiktima ng suspek na dumulog sa NBI.

Nanawagan naman ang NBI sa iba pa nitong mga nabiktima.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek.

"Hindi ako magsasalita without the presence of my counsel," aniya.

Patong-patong na kasong robbery extortion ang isinampa laban sa suspek. --Ulat ni Sharon Evite, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.