P3.2-M halaga ng droga nasamsam sa Zamboanga del Sur

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2019 10:10 PM

PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur—Nasamsam ang P3.2 milyong halaga ng droga mula sa 5 lalaki sa lungsod na ito, Biyernes ng umaga.

Isa sa 5 naaresto ay isang pulis na kinilalang si Police Sr. Master Sgt. Ricky Usman Sabturani na nakadestino sa Basilan Provincial Police Office.

Habang ang 4 pang kasamahan ay kinilalang sina Juna Anas Amis, Daniel Utap Hussain, Jam Madag Macaraya, at Omar Utap Sadon, isang barangay official sa bayan ng Matanog, Maguindanao.

Nakuha ang 18 pakete o 500 gramo ng ilegal na droga at isang granada mula sa mga suspek, na lulan ng isang van galing Maguindanao.

Ayon kay Jing Judilla, team leader ng PDEA Zamboanga del Sur, napag-alaman ng kanilang impormante na naghahanap ang grupo ng kanilang mapagbentahan ng ilegal na droga.

Hindi pa masiguro ng PDEA kung iisang lugar lang sa Maguindanao ang pinanggalingan ng droga, dahil ang ibang droga ay galing umano sa Zamboanga City at mayroon ding galing sa Lanao area.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang 5 suspek.

Dagdag na kasong administratibo naman ang haharapin ng nahuling pulis at barangay official.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.