'Motornapper' patay sa engkuwentro sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2019 04:49 AM | Updated as of Jun 21 2019 06:51 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Patay ang isang lalaki na umano'y suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo sa engkuwentro ng mga pulis sa Barangay 179, North Caloocan Biyernes ng hatinggabi.

Ayon kay Police Col. Noel Flores, hepe ng Caloocan City police, nakipagbarilan umano ang lalaki habang hinahabol ng mga pulis.

Narekober ang isang kalibre .38 na baril sa lalaki habang inaalam pa ang pagkakakilanlan nito.

Kuwento ng may-ari ng motorsiklo, pauwi siya nang sundan ng riding-in-tandem sa Dagat-dagatan.

Tumalon siya sa motorsiklo nang bigla siyang tutukan ng baril ng mga salarin na nakasuot ng face mask.

Natunton ng mga pulis ang motorsiklo sa Duhat St. sa Amparo Subdivision na minamaneho ng napatay na lalaki.

Hinala ng pulisya, posibleng dinala ang motorsiklo sa North Caloocan para chop-chopin at ibenta ang mga piyesa nito. —Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.