Dalawang importer at ang kanilang mga broker ang kinasuhan na ng Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice kaugnay ng pagpupuslit ng mahigit P60 milyon na halaga ng imported na asukal at sigarilyo noong Abril 26 sa Zambales.
Ayon sa mga awtoridad, kinasuhan ang may-ari ng JRFP International Trading na si Jun Rey Pabello, kasama ang Customs broker nito na si Danilo Go, Jr., dahil sa pagpupuslit ng Thai-refined na asukal at ilegal na paputok sa Subic Port.
Nagkakahalaga umano ang mga nasabing kontrabando ng P22.63 milyon na may katumbas na halos P38.6 milyon na buwis.
Kinasuhan din ng BOC ang may-ari ng Amulet Supply Chain Corporation na si Evelio Gelleposo, at Customs broker nito na si Gary Villa dahil sa nasabat sa Manila International Container Port na mga iniulat na pinuslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng higit P1.2 milyon at may katumbas na buwis na P7.7 milyon.
Isiniksik ang mga nasabing sigarilyo sa loob na bahagi ng 40-footer container na galing umano sa Korea.
Paglabag sa ilang probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act ang isinampang kaso laban sa mga importer ng mga nasabing sigarilyo, habang 'economic sabotage' ang kasong isinampa laban sa importer ng asukal kaugnay ng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act. - Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, Bureau of Customs, ship container, smuggling, JRFP International, Amulet Supply Chain Corporation, sugar, sigarilyo