Ilang lugar sa Cavite, 3 oras na lang ang suplay ng tubig

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2019 08:41 PM

Watch more in iWantTFC

Lalo pang humaba ang oras na mawawalan ng tubig sa ilang sineserbisyuhan ng Maynilad simula ngayong Biyernes, base sa anunsiyong inilabas nila. 

Paliwanag ng Maynilad na sanhi ito ng pagsadsad ng nibel ng tubig sa Angat Dam. 

Sa bagong rotational water service interruption schedule ng Maynilad, ilang barangay sa Imus, Cavite ang mawawalan ng tubig mula alas-6 ng umaga hanggang alas-3 ng madaling araw ng sumunod na araw.

Ibig sabihin, may tatlong oras lang ang mga residente sa naturang lugar, at sa madaling araw pa, para makapag-ipon ng tubig.

Ang ilan pang barangay sa Imus ay magkakaroon ng tubig sa loob ng lima hanggang pitong oras. 

Pitong oras lang din may tubig ang ilang lugar sa mga bayan ng Kawit at Novoleta. 

Samantala, 12 oras na mawawalan ng suplay ng tubig ang ilang barangay sa Cavite City, Rosario, at Bacoor. 

Ayon sa ilang residente, naguguluhan na sila sa schedule ng Maynilad.

"Ang nakakainis nga lang sa Maynilad, 'pag nag-aabiso, mawawalan daw tubig pero hindi naman, tapos walang abiso mawawalan,” anang residente na si Joan Dig. 

Tambak na ngayon ang order ng galong-galong tubig sa ilang water refilling stations. Ayon sa mga namamahala sa isang water station, mahigit doble na ang dami ng kumukuha sa kanila ng tubig simula noong lumapit sa critical level ang Angat dam. 

"Mas marami lang 'yung bumili dala ng nagpa-panic sila, 'kala nila walang tubig," sabi nito.

Nabawasan naman ang customer ng isang car wash sa Imus. Hindi naman daw nila maisara ang kanilang hanapbuhay pero tutulong daw sila na makatipid sa tubig.

"'Yung drum namin... kailangan talaga isang punong ganu'n kailangan makalinis kami ng tatlong sasakyan para mas tipid," sabi ng isang trabahador dito. 

Sa isang pahayag, humingi ng pasensiya at pang-unawa ang Maynilad sa krisis ng tubig ngayon. Tiniyak nilang nakahanda na ang kanilang mga water tanker para ipadala sa mga pinakaapektadong lugar. 

"We appeal to our customers for their continued patience and understanding, as we try to manage the effects of the reduced allocation on our operations," anila sa kanilang Facebook page. 

Pinapayuhan nila ang kanilang mga customer na mag-monitor sa kanilang social media account para sa mga anunsiyo at schedule.

Muli nilang paalala na mag-ipon ng tubig hanggang may naibibigay sila, at dapat sabayan ito ng pagtitipid dahil walang katiyakan anila kung kailan mababalik sa normal ang suplay ng tubig. 

--Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.