Higit 100 mag-aaral ng paaralan sa Batangas, nahilo at nahimatay sa init

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2019 04:17 PM | Updated as of Jun 21 2019 08:20 PM

Umabot na sa 153 estudyante ng Bauan Technical High School sa Batangas ang isinugod sa iba't-ibang pagamutan sa bayan simula pa nitong Huwebes matapos mahilo at mawalan ng malay dahil sa tindi ng init ng panahon.

Ayon kay Bauan Mayor Bodjie Casapao, nagsimulang sumama ang pakiramdam ng mga estudyante habang nagsasagawa ng nationwide earthquake drill sa kanilang paaralan nitong Huwebes.

"Yung Bauan Technical High School, alas-2 (ng hapon) nagsimula yung earthquake drill. Meron pang mga batang may health problem, nahilo, mainit ang panahon," sabi ni Casapao sa panayam sa DZMM.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nitong Biyernes ng umaga, nasa 90 magaaral ang dinala sa pagamutan matapos na sumama rin ang pakiramdam habang nagkaklase.

Nito lamang Huwebes, 63 estudyante din ang dinala sa pagamutan sa parehong reklamo.

Pero tatlo na lamang sa 153 na estudyante na dinala sa mga ospital ang nananatili pa sa pagamutan.

Kasama sa sumama ang pakiramdam ay mga magaaral na may sakit sa puso at asthma.

Sabi ni Belina Montalbo, head ng Municipal Disaster Risk Reduction Office, nasa 34 degrees Celsius ang temperatura kahapon at 32 degrees Celsius naman noong Biyernes ng umaga.

Dagdag naman ni Dr. Lili Orquid Gran Jorbina ng Bauan General Hospital, dehydrated ang mga bata nang makarating sa ospital.

Sinuspinde na ang klase sa naturang paaralan at sasailalim sila sa stress debriefing sa Lunes.

Sasagutin naman ng lokal na pamahalaan ang gastusin sa ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.