Ex-Foreign Affairs chief, na-'harass,' di pinapasok sa Hong Kong

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2019 05:22 PM | Updated as of Jun 21 2019 08:34 PM

Dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa kanyang pagbalik sa Pilipinas matapos madetene ng immigration officials at tanggihang makapasok ng Hong Kong sa di malinaw na dahilan. Jervis Manahan, ABS-CBN News

MAYNILA - Hindi pinayagang pumasok sa Hong Kong si dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario nitong Biyernes. 

Si del Rosario, na nanguna sa maritime arbitration case laban sa China noong 2013, at nagreklamo sa International Criminal Court (ICC) nitong Marso laban kay Chinese President Xi Jinping, ay nadetene nang 6 na oras ng immigration officials ng Hong Kong, na special administrative region ng China. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinabi niyang nararamdaman niyang panggigipit ang ginawa sa kanya. 

"I think at this point in time na hinaras na nila ako. Realizing that I have certain commitments there, trying to slow things down in terms of when I should get out of the airport and head for my appointments, so that's clear," aniya sa panayam sa DZMM. 

Nangyari ito sa kabila ng hawak na diplomatic passport ni del Rosario bilang isang dating pangunahing opisyal sa relasyong panlabas ng Pilipinas. 

Bumalik si del Rosario sa Pilipinas matapos ang detensiyon, lumapag Biyernes ng hapon ang eroplano niya mula Hong Kong. 

Bago sumakay ng eroplano mula Hong Kong, sinabi ni del Rosario na malinaw na labag sa Vienna Convention on Diplomatic Relations ang ginawa ng immigration officials. 

"Denied entry without explanation. With diplomatic passport, this would be in violation of Vienna convention," ani del Rosario sa ABS-CBN News. 

Nakasaad sa Vienna Convention ang paggalang ng mga bansa sa mga diplomat mula sa mga bumibisitang bansa, pati na rin sa pamilya ng mga ito. 

Pero hindi raw kinilala ng Hong Kong Immigration ang hawak ni del Rosario na diplomatic passport. 

Wala rin aniyang ibinigay na pahayag sa kaniya ang mga awtoridad ng Hong Kong kung bakit siya pinabalik ng Pilipinas matapos ang anim na oras na interogasyon at paghihintay. 

Layon sanang magtungo sa Hong Kong ni del Rosario para dumalo sa isang shareholders' meeting. 

Matatandaang ganito rin ang nangyari kay dating Ombudsman Conchita Carpio Morales noong Mayo 21 sa parehong paliparan dahil sa diumano'y pagiging banta ni Carpio Morales sa Hong Kong.

Magugunitang si del Rosario, kasama si Carpio Morales, ang naghain ng komunikasyon sa ICC kaugnay ng umano ay pangha-harass ng China sa mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea. Dahil dito ay inireklamo nina del Rosario at Carpio Morales si Xi ng crime against humanity. 

Sa isang pahayag, kinondena ni Morales ang nangyari kay del Rosario na isa umanong pagganti ng Tsina sa pamamagitan ng Hong Kong. 

"Hong Kong's questioning of Sec. ADR (Albert del Rosario), even if he holds a diplomatic passport, confirms the detestable retaliatory act of China as it confirms that Hong Kong has shed off or been cowed into giving up its autonomy," ani Carpio Morales.

Sinabi noon ni del Rosario na dapat ay nasa Pilipinas ang bentahe mula sa arbitral ruling na nakuha noong July 2016. Sinabi sa desisyong ito ng korte sa ilalim ng United Nations na walang pangkasaysayang karapatan (historical right) ang China sa pinag-aagawang mga lugar sa South China Sea. 

Ang arbitral ruling ay sagot sa reklamong inihain ng gobyerno ng Pilipinas noong 2013, sa pangunguna ni del Rosario.

Para naman kay Senador Vicente "Tito" Sotto III, inasahan na dapat ni del Rosario ang nangyari sa kaniya sa Hong Kong. 

"Yung critical walang problema, pero yung kinasuhan mo sila, me' tendency sila na isipin na ayaw mo sa amin bakit ka pupunta du'n? I advice you to go to Japan, Singapore or Thailand," ani Sotto. 

Inatasan naman daw ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang Department of Foreign Affairs na tulungan si del Rosario.

Pero sabi niya, dapat ay nagtanda na si del Rosario dahil nangyari na ang kaparehong insidente kay Carpio Morales. 

-- Ulat nina Zhander Cayabyab at Adrian Ayalin, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.