Babaeng menor de edad, arestado sa pagbebenta ng baril

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2019 01:09 AM

Isang babaeng menor de edad ang kalaboso matapos umanong mag-tangkang mag-benta ng baril sa Magsaysay, Occidental Mindoro pasado alas-5 ng hapon nitong Huwebes.

Kinilala ang suspek na si alyas "Anne", 16 anyos, isang estudyante sa Brgy. Poblacion.

Sa ulat ng awtoridad, isang lalaki ang tumawag sa pulis matapos umano siyang pagbentahan ni "Anne" ng baril sa kaniyang junk shop.

Nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis at natunton ang suspek sa Municipal Town Plaza sa nasabing barangay.

Positibo siyang kinilala ng lalaking pinagbentahan na sumama sa mga awtoridad. Nakita sa loob ng bag ng suspek ang isang kalibre .45 na may lamang mga bala.

Ayon sa awtoridad, walang na-ipakitang lisensiya o ibang dokumento sa pagbitbit ng baril ang menor de edad.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. - Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.