4 tiklo sa hiwalay na drug operation sa Davao City

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2019 07:39 PM

Narekober ng mga pulis ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.5-milyon mula sa isang PUV driver. Larawan mula sa Santa Ana Police Station

DAVAO CITY - Apat na hinihinalang drug pusher ang nahuli sa magkakahiwalay na drug bust operation ng mga pulis, Huwebes ng gabi hanggang Biyernes ng madaling araw.

Unang naaresto ang isang PUV driver na nakuhanan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.5-M sa buy-bust operation ng Santa Ana Police sa Purok 10, San Rafael, sa Barangay 9-A sa lungsod na ito.

Ayon sa suspek, bago lang umano siya sa pagbebenta ng iligal na droga dahil kulang umano ang kaniyang kinikita bilang drayber.

Ayon naman kay Barangay 9-A Kapitan Tata Llubit, matagal na rin nilang napansin ang kakaibang kilos nito dahil halos madaling araw ito umaalis at matagal makabalik sa lugar.

Base sa inisyal na report ng Santa Ana Police, mismong ang suspek ang pumupunta sa Marawi City para kumuha ng droga.

Naaresto naman sa hiwalay na drug operation Huwebes ng gabi ang isang tricycle driver kung saan isang sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha sa kaniya.

Biyernes ng madaling araw naman nahuli ang dalawang lalaki sa drug operation ng San Pedro Police, kung saan tig-isang pakete ng hinihinalang shabu ang nakuha sa dalawa.

Mahaharap sa kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspeka.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.