2 patay, 3 huli sa Cavite buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2019 04:50 AM | Updated as of Jun 21 2019 06:54 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Patay ang 2 lalaki habang arestado ang 3 iba pa sa buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite Huwebes ng gabi.

Kinilala ang mga napatay na sina Leonard Imas at Narcisso Briggs na pawang target ng operasyon.

Ayon kay Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor City police, kabilang umano ang mga suspek sa isang drug group.

"Street-level target sila. Namonitor na sa karatig-siyudad muna sila naglagi. Nung nakitang wala nang nagkakahulihan, lumabas muli sila," aniya.

Matagal na binantayan ng mga pulis ang mga suspek matapos silang makatanggap ng reklamo sa mga residente.

"Sabi ng mga taga-rito, iba-iba ang mukha ang labas masok sa subdivision na kahina-hinala," ani Jeff Campaña, barangay chairman ng lugar.

Inabutan din ng mga pulis ang 3 parokyano na umaming gumagamit ng shabu.

"Gamot ko po kasi 'yan sa asthma," depensa ng isa.

Bukod sa baril, narekober sa operasyon ang 5 sachet ng umano'y shabu. — Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.