Pasahe ng mga TNVS, nagbabadyang tumaas

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2018 10:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Balak magtakda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa susunod na buwan ng bagong pasahe sa mga transport network vehicle service (TNVS) na mas mataas umano kumpara sa mga taxi.

Ito ay upang maiwasang magkalapit ang pasahe ng TNVS sa mga taxi, na nakatakdang magpa-calibrate ng metro sa mga susunod na linggo para maipatupad ang dati nang inaprubahang dagdag-singil sa kanilang pasahe. 

"We have to find that formula na hindi sila magko-compete with taxis," ani LTFRB board member Aileen Lizada.

Itinuturing kasi ng LTFRB bilang "premium service" ang TNVS dahil gumagamit ito ng app at mas komportableng sakyan para sa mga pasahero kaya dapat mas mataas ang pasahe nito sa taxi.

Magbibigay ang LTFRB ng batayan o range na pagbabasehan ng mga transport network company (TNC) ng kanilang magiging singil. 

Layunin din ng LTFRB na magkaroon ng pagpipilian ang mga pasahero.

Ibinigay nitong Hunyo ng Department of Transportation sa LTFRB ang kapangyarihang magtakda ng pasahe para sa mga TNC.

Wala namang problema ang mga TNC sa plano ng LTFRB.

Lahat ng TNC ngayon ay nakasunod sa P40 flag-down rate. Nagkakaiba lang sa kada kilometrong singil at may hanggang 1.5 o "times two" na surge.

Nananatili namang suspendido ang P2 kada minutong dagdag-singil sa pasahe ng Grab, na nakaapekto sa kita ng kanilang mga tsuper kaya pansamantala munang sinagot ng kompanya.

Bagaman Grab lang ang "fully operational" sa mga TNC dahil ang iba ay naka-beta test pa, inamin ng kompanyang hirap itong matugunan ang 600,000 booking kada araw lalo at kulang pa raw ang mga TNVS unit na bumibiyahe sa kalsada. 

Pero ayon sa LTFRB, sa inaasahan nilang 54,000 na kukuha ng prangkisa, nasa 13,000 lang ang nagpasa at naiproseso nila.

"What's taking them so long to come here and finish? So we have to put a cut-off date, end of July," ani Lizada.

Sa Agosto sisimulan ng LTFRB ang panghuhuli sa mga kolorum na TNVS.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.