Nasa P800-K halaga ng droga, nasamsam sa jail facility

Aiza Marrie Layague, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2018 06:16 PM

Aabot umano sa P800,000 ang drogang nasamsam sa loob ng Negros Oriental Provincial Jail matapos na magsagawa ng sorpresang Greyhound Operation ang Philippine Drug Enforcement Agency at pulisya.

DUMAGUETE CITY - Nagsagawa ng sorpresang Greyhound Operation ang operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulisya sa loob ng Negros Oriental Provincial Jail Huwebes ng umaga dahil sa talamak na transaksiyon sa ilegal na droga.

Isa-isang sinaliksik ng mga operatiba ang bawat selda ng jail facility kung saan narekober ang mga kontrabando gaya ng cellphones, kutsilyo, tabako, lighters, drug paraphernalia, timbangan, pera, at ilegal na droga.

Ilan sa mga hinihinalang shabu ay natagpuang itinago sa kisame ng chapel. May nakuha ring shabu at libu-libong pera sa loob ng female dorm.

Aabot sa P800,000 ang halaga ng nasabat na droga, ayon sa PDEA.

Ayon sa hepe ng Provincial Intelligence Branch na si Senior Inspector Armel Von Alegria, naalarma sila dahil halos karamihan sa kanilang nahuhuli ay umaaming sa loob ng jail facility kumukuha ng droga. 

Lumabas din sa surveillance ng pulisya na mismong preso ang nakikipagtransaksiyon sa kanilang mga ahente.

Dagdag pa ng PDEA, may limang inmates sa Negros Oriental Provincial Jail na itinuturing malaking drug players. Napag-alaman din na sa loob mismo ng jail facility nagre-repack ng mga droga ang mga inmate na kanilang ibinibenta sa kapwa inmate, maging sa labas ng kulungan.

Sabi naman ni PDEA Intelligence and Investigation Agent Fil Tangjeres na iniimbestigahan na rin nila ang jail guards lalo't isa sa kanila ang nakuhanan ng drug paraphernalia sa loob ng kuwarto nito at listahan ng mga posibleng transaksiyon sa droga.

Sasailalim naman sa imbestigasyon ang 40 personnel ng jail facility upang malaman kung sangkot sila sa pagpapalusot ng droga.

Suspendido na rin sa loob ng dalawang araw ang dalaw ng mga preso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.