Lalaki, kinuyog dahil sa titig

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2018 10:21 AM

Nilapatan ng paunang lunas ang biktimang si Antonio Ungab matapos siyang kuyugin ng mga hindi pa nakikilalang lalaki sa Barangay 27-C sa Davao City.

DAVAO CITY- Sugatan ang isang lalaki matapos pagsusuntukin at paghahampasin ng upuan sa ulo ng mga hindi pa nakikilalang lalaki sa isang kainan sa Barangay 27-C sa lungsod na ito, Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay Antonio Ungab, 38, nakaupo lamang siya sa kainan habang hinihintay ang umpisa ng kaniyang trabaho bilang laborer nang bigla siyang kuyugin ng mga lalaki.

Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng 911 medical team ang sugat sa ulo ni Ungab.

Base sa mga saksi, nagalit umano ang mga lalaki dahil napansin nilang nakatitig si Ungab sa kanila.

Nagalit ang may-ari ng kainan na si Jojo Desabille dahil bukod sa nasira ang mga kagamitan sa kaniyang kainan, nagdala rin ng kaguluhan ang “riot boys” na pinaniniwalaan nitong responsable sa insidente.

Pinaghahanap na ngayon ng mga pulis ang mga suspek habang dinala naman sa ospital si Ungab upang gamutin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.