DepEd, pumalag sa panukalang drug test sa grade 4 pupils

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2018 08:48 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Iginiit ni Education Secretary Leonor Briones na hindi basta-basta maaaring sumailalim sa drug test ang mga estudyante sa antas ng elementarya. 

"It has to be on the high school level, hindi iyong grade four. Ang instructions sa akin ni President Duterte ay at the grade four level ay i-enhance ang curriculum tungkol sa drugs," sabi ni Briones.

"We are very, very careful about this dahil you can destroy a child's life," anang kalihim.

Ito ay matapos ipahayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Huwebes ang panukalang pagsasagawa ng mandatory drug testing sa lahat ng Grade 4 students pataas at mga guro.

"Iyong mga series of arrests na ginagawa natin, iyong nai-involve ay mga estudyante saka mga teacher. Pinaka-youngest naming naano [naaresto] is I think 10 years old," sabi ni PDEA director general Aaron Aquino.

Bagaman sinabi ng PDEA na titiyakin nilang magiging pribado ang resulta ng drug test, nagbabala ang Commission on Human Rights (CHR) na hindi rin ito basta-basta.

Maituturing na child abuse umano kapag pinilit ang bata.

Kinonenda rin ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang mungkahi ng PDEA, na tinawag nilang insulto sa mga guro at paglabag sa karapatan nila at ng mga estudyante.

"Drug testing will sow terror in schools, will disturb the students and will destroy the sanctity of schools as safe places of learning. Mandatory drug testing is also a blatant violation of the rights of children and teachers," sabi ni ACT Philippines secretary-general Raymond Basilio.

Nauna nang bumuo ng ordinansa ang pamahalaang lokal ng Quezon City sa random drug testing sa mga public secondary, tertiary, vocational, at technical school sa lungsod.

Ipinahayag din noong Lunes ng Commission on Higher Education ang pagnanais ng komisyong maging "drug-free" ang mga unibersidad at kolehiyo.

Pero ipinauubaya ng komisyon sa mga pamunuan ng mga paaralan kung paano ito ipatutupad.

"Universities by their own nature have the power to institute random drug testing," ani CHED officer-in-charge Prospero De Vera.

Subalit hindi ito madaling hakbang, ayon sa isang opisyal ng University of the Philippines (UP).

"Being a university, we have to have a nurturing environment na ang tingin natin sa mga kabataan ay mga taong dapat gabayan," ani Jose "Butch" Dalisay, vice president for public affairs ng UP.

"Kailangan protektahan din natin ang kanilang karapatan," dagdag ni Dalisay.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.