Buy bust sa apartelle nauwi sa barilan; 1 buyer patay

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2018 04:56 PM

Isa ang patay at tatlo ang arestado nang salakayin ng mga pulis ang isang apartelle sa Paco, Maynila matapos makakuha ng impormasyon na naka-check in doon ang ilang pusher ng shabu.

Nang magpositibo ang buy bust operation, pinasok na ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Station 10 ang isang kuwarto sa 5th floor.

Dito na naaktuhan ang isang lalaki na bumabatak ng shabu kasama pa ang kaniyang live-in partner.

Nahuli ang dalawa nang ituro sila ng isa nilang buyer na nauna nang naaresto.

Habang naghahalughog ang mga pulis ay dumating ang isang lalaki na bibili sana ng shabu.

Nagtangka itong tumakas kaya't nagkahabulan pa, dahilan para mabasag ang salamin sa harap ng apartelle.

Nakatakbo ang buyer hanggang sa Pedro Gil na kalaunan ay napatay ng mga pulis matapos umanong makipagbarilan. 

Naisugod ito sa ospital pero idineklara nang dead-on-arrival.

Nakuha sa loob ng apartelle ang 11 sachet ng shabu na may halagang P10,000.

Iginiit naman ng tauhan ng apartelle na hindi nila alam na may mga ilegal na transaksyon sa loob ng kuwartong 'yon.

--Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.