'AWOL' na pulis na kabilang sa drugs watch-list ni Duterte, timbog

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2018 11:16 PM

Naaresto noong Miyerkoles sa Bulacan ang isang pulis na may kasong robbery extortion at kabilang sa drugs watch-list ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Sa isang mall sa Bulacan nahuli ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Senior Police Officer (SPO) 2 Ferdinand Cajipe, na miyembro ng Police Security and Protection Group (PSPG).

May isang taon nang naka-absence without official leave (AWOL) o hindi nagpapakita sa trabaho si Cajipe matapos makasuhan ng robbery extortion.

Nakuha pa kay Cajipe ang kaniyang service firearm.

Taong 2002 nang arestuhin ni Cajipe at ng mga kasamahang pulis ang isang drug suspect pero tinangay umano nila ang P100,000 cash ng kanilang naaresto, ayon sa NCRPO.

Nahatulan sina Cajipe noong 2007 pero umapela sa korte.

Una nang naaresto ang mga kasabwat na pulis ni Cajipe.

Itinuturing ding high-value target sa drugs watch-list ni Duterte si Cajipe dahil sa kaniyang kaugnayan sa drug lord na si Peter Co.

Pina-freeze ng Anti-Money Laundering Council (AMLAC) ang bank account ni Cajipe na may lamang higit P7 milyon, ayon sa imbestigasyon ng pulisya.

Umaasa si NCRPO director Chief Superintendent Guillermo Eleazar na sa pagkakahuli kay Cajipe ay magkakaroon pa sila ng mga lead para maaresto ang iba pang high-value target.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.