300 bahay, naabo sa sunog sa Bacoor

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2018 01:18 AM

MAYNILA - Natupok ang may 300 bahay sa Evangelista Street sa Barangay Maliksi 1, Bacoor City, Cavite.

Ayon kay Supt. Aristotle Bañaga, provincial director ng Bureau of Fire Protection sa Cavite, nagsimula ang sunog sa bakanteng bahay ng isang Jayson Miranda sa may tabing dagat 6:51 Miyerkoles ng gabi.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang mga bahay ng mga informal settlers sa lugar.

Dagdag ni Bañaga, nahirapan silang pasukin ang lugar dahil sobrang sikip ang mga eskinita papasok sa lugar.

Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog na tumupok sa mga bahay. 

Tinatayang apektado ang nasa 500 pamilya. Mahigit kumulang P1.5 milyon ang halaga ng nasirang ari-arian

Ideneklarang under control ang sunog bandang 9:32 p.m.

Nagsasagawa na ng mopping operation ang mga tauhan ng BFP Bacoor. Wala namang naitalang nasaktan sa insidente. - DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.