3 'hackers' na nakatangay ng P20-M sa isang travel agency timbog

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2018 03:18 PM | Updated as of Jun 21 2018 03:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang live-in partners na isinasangkot sa umano'y pangha-hack ng mga Facebook page ng mga travel agency sa Bulacan.

Naaresto si Reiniel Armond Kho na hindi na nakapalag sa mga pulis nang salakayin sa kaniyang bahay sa Pandi, Bulacan.

Sa garahe naman ng bahay ay inabutan din ang kinakasama niyang si Allanea Santos habang kainuman ang mga kaibigan.
    
Sa kuwarto nila ay natagpuan ng mga pulis ang computer na ginagamit umano nila sa krimen.

Isa sa mga nabiktima ay ang Facebook page ng E & E Sky Travel Express na pag-aari ni Sherman Diwa.
    
Kuwento ni Diwa, naalarma siya nang sunod-sunod na ang reklamo sa kaniya ng mga kliyente.

"This June nagsimula 'yung mga problem. Nagreklamo 'yung mga tao at kinukuha nila ang mga pera," ani Diwa. 
    
Iyun pala ay nagpapanggap ang mga suspek na taga-agency at nangongolekta ng pera sa mga kliyente sa pamamagitan ng mga remittance center o kaya ay pagdeposito sa isang bank account na nasa Cebu.
    
Nang matuklasan ang hacking ay nakipagnegosasyon si Diwa sa hackers at doon na siya hiningan ni Kho ng malaking halaga maibalik lang ang access nito sa Facebook page.

Sumatotal ay halos P20 milyon daw ang nawala sa biktima.

"Iyung complainant natin naubos na ang ari-arian, nakapagbenta na ng sasakyan, mga bahay nila," ani Superintendent Heryl Bruno, hepe ng Malolos police. 

Nauna nang naaresto nitong Miyerkoles ang isa pang kasabwat nina Kho at Santos na si Joann Sal alyas "Mae Santos" habang tinatangkang kunin sa isang remittance center sa Malolos ang perang ipinadala ng mga kliyente.

Si Sal ang nagturo sa kinaroroonan ng mag-live-in partner.

Tinutunton na ng mga pulis ang iba pang kasama ng tatlong suspek.

Halos 200 travel agencies pa umano ang nabiktima mga kawatan.

Kinasuhan na ang tatlo ng large scale estafa at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
    

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.