Mga dumudura sa kalye sa Isabela, pagmumultahin, ikukulong

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 07:38 PM | Updated as of Jun 22 2017 05:19 AM

Naglaan na ng lugar duraan sa Santiago City bilang bahagi ng kampanya laban sa pagdura kung saan-saan. Danielle Rebollos, ABS-CBN News

SANTIAGO CITY - Pagbabayad ng multa o kulong ang kahahantungan ng mga dudura sa mga lansangan dito sa lungsod matapos maipasa ng lokal na konseho ang "Anti-Spitting ordinance," Miyerkoles.

Ipinagbabawal ng ordinansa ang dumura kung saan-saan, tulad sa mga kalsada, pader, eskwelahan, simbahan, ospital, liwasan, terminal at mga kanal.

Naglagay na ng mga "spitting bin" o mga duraan sa mga pampublikong lugar upang hindi magkalat ang mga iniluwang bagay na maaaring maging sanhi ng pagkalat ng mga nakakahawang sakit tulad ng tubercolosis.

Naglaan na ng lugar duraan sa Santiago City bilang bahagi ng kampanya laban sa pagdura kung saan-saan. Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Ang ilang mga barangay tanod, pulis, mga kawani ng Department of Education, Department of Public Order and Safety, City Environment and Natural Resources Office at City Social Welfare and Development ay sumailalim din sa mga pagsasanay at orientation ng Department of Health upang ipatupad ang ordinansa.

Ganap na ipatutupad ang pagbabawal sa pagdura sa mga pampublikong lugar sa oras na mapirmahan ni Mayor Joseph Tan ang mga dokumento ng bagong batas panlunsod.

Sa ilalim ng ordinansa, pagmumultahin ng hindi bababa sa P500 o ikukulong ng ilang araw ang mga lalabag sa batas na may edad na 15-anyos at pataas.