Ilang nakaligtas sa Resorts World attack, ikinuwento ang dinanas

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 03:46 PM

Nagulantang ang taumbayan sa pag-atake noong Hunyo 2 sa Resorts World Manila kung saan 38 bisita at empleyado ng casino ang nasawi.

May ibang mapalad na nakatakas sa pag-atake. Kabilang sa mga nakaligtas sa insidente ang dating aktres na si Azenith Briones. Kuwento niya, kasama niyang pumunta sa Resorts World Manila ang asawa niyang si Eleuterio Reyes.

Habang naglalaro ang kaniyang mister, nagpunta si Briones sa isang restaurant para bumili ng pagkain. Ilang saglit pa, umalingawngaw na umano ang putok ng baril.

“[May] nagtakbuhan,” kuwento ni Briones. “Doon ko nakita na may nakaitim, pero matangkad siya, payatin na naka-hood na hindi kita ang mukha.”

Dahil sa taranta, dali-daling pumasok si Briones kasama ang iba pang bisita at empleyado sa kusina ng restaurant para maghanap ng daan palabas.

"Nag-umpisa nang pumasok lahat (sa kuwarto) iyong usok,” paliwanag niya. “Sabi ko, kailangang makalabas tayo dito dahil mamamatay tayo sa suffocation. Hindi totoong tumalon ako sa second floor. Sa kitchen kami galing. Tumalon kami sa ground floor. Mababa na iyon.”

Bandang 1:30 ng umaga nang makalabas si Briones sa gusali. Sinubukan niyang tawagan ang kaniyang mister pero hindi niya ma-contact.

“Tumawag ako, pero out of coverage area na. Sabi naman nila, siguro walang signal. Ang ine-expect ko, (dapat) minutes, seconds tumawag agad ang asawa ko. I’m sure, hahanapin ako.”

Nagtatrabaho naman noon ang casino dealer na si alyas “Marie” nang mangyari ang trahedya sa Resorts World Manila. Nang mag-anunisyo ang mga sekyu na lisanin ang lugar, dali-daling tumakas si "Marie" kasama ang mga bisita ng casino.

"Lahat kami nagtakbuhan kasama iyong mga player. Kaya lang noong pababa na kami, bumalik iyong (naunang bumaba) kasi nakasalubong niya iyong gunman. Napasilip lang ako, pero nakita ko 'yung naka-black. Mabilis lang talaga kasi balik agad kaming lahat."

“Pag-akyat (namin ng kasama ko), makapal na rin ang usok. Itim na mukha naming lahat,” dagdag ni Marie.

Paano nga ba nalampasan nina Briones at “Marie” ang trahedyang ito? Alamin ang kanilang buong kuwento sa Red Alert mamayang gabi pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.