Estudyante, patay sa pamamaril; kasintahan sugatan

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 07:20 PM

ISABELA - Patay ang isang 18-taong gulang na estudyante matapos pagbabarilin sa bayan ng Ramon, Isabela Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Joren Agustin, residente ng Barangay Inanama sa bayan ng Alicia.

Kumukuha ito ng Agriculture Engineering at nasa ikalawang taon na sa kolehiyo.

Ayon sa kanyang tiyahin na si Guvy Ortiz, masayahin at masunuring anak si Agustin, kaya't ikinagulat nila nang pagbabarilin ito ng mga hindi pa kilalang salarin.

Base sa imbestigasyon, ihahatid ni Agustin ang kanyang 17-taong gulang na kasintahan sa Barangay Sebastian sa bayan ng Ramon.

Nakasakay ang dalawa sa motorsiklo nang pagbabarilin ng nakabuntot na mga salarin na nakasakay rin sa motorsiklo.

Nagtamo si Agustin ng isang tama ng bala sa leeg na agad nitong ikinamatay. Sugatan rin ang kasintahan nito matapos masubsob ang mukha nang matumba ang kanilang motorsiklong sinasakyan.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril. Palaisipan rin sa pamilya Agustin kung bakit pinatay ang estudyante.

Iminungkahi ngayon ng pulisya ang paglalagay ng street lights at CCTV sa bahagi ng Barangay Bugallon Proper para makatulong sa imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.