BIFF at militar, nagsagupa sa Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 12:51 PM | Updated as of Jun 22 2017 02:41 AM

Nakalaya na ang mga bihag ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), na sumalakay sa isang eskuwelahan sa Pigcawayan, North Cotabato.

Sa panayam ng Reuters kay Brigadier General Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines, sinabi niyang biglang umatras ang mga rebelde at iniwan ang 31 bihag, kabilang na ang 12 bata. 

Nasagip din ang 20 sibilyang naipit sa halos buong araw na palitan ng putok sa pagitan ng tropa ng gobyerno at mga rebelde.

Kinumpirma rin ni Capt. Arvin Encinas, spokesman ng 6th Infantry Division, na nakalaya na ang mga bihag pasado alas-6 ng gabi. Nauna niyang sinabing nananatili ang BIFF sa loob ng paaralan at may hostage sila hanggang alas-7:15 ng gabi. 

Nagsimula ang krisis nang salakayin ng ilang miyembro ng BIFF ang Peacekeeping Team ng Barangay Malagakit at ang Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) detachment sa Barangay Simsiman, ayon sa militar.

Nilusob din ng iba pang miyembro ng BIFF ang isang eskuwelahan sa Barangay Malagakit bandang alas-5:45 ng umaga, ayon kay Inspector Realan Mamon, hepe ng Pigcawayan police.

Namataan ang tropa ng militar sa lugar bandang alas-6:30 ng umaga. Nakarinig na rin ng kalat-kalat na putok ng baril noong mga oras na iyon. 

Nagpakawala ng mortar ang militar laban sa mga miyembro ng BIFF. Maaaring may higit pa sa 200 rebelde sa lugar, ayon sa alkalde ng Pigcawayan na si Mayor Eliseo Garsesa. 

Isang miyembro naman ng CAFGU ang kumpirmadong sugatan sa palitan ng putok. Walang napaulat na nasawi sa pag-atake.

Lumikas din ang ilang residente bunsod ng gulo. Pinatutuloy muna sila ngayon sa evacuation center sa sentro ng munisipalidad. 

Ayon kay Garsesa, nakatanggap ang mga lokal na opisyal ng ulat tungkol sa posibleng pag-atake sa lugar, dalawang linggo na ang nakararaan.

BIFF, inako ang pag-atake, ngunit hindi umano nambihag

Aminado ang BIFF sa pag-atake. Ganti umano nila ito dahil nagsagawa ng opensiba ang militar sa Maguindanao kahit pa may Ramadan noong isang linggo.

"Hindi pa tapos ang BIFM ng pakikibaka. Hindi pa nakakamtan. Kahit saan puwede tayong umatake lalo na kung inunahan tayo," ayon kay Abumissry Mama, spokesman ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement (BIFM)-Bongos Faction.

Wala rin umano silang binihag.

"Hindi iyon hostage. Iniligtas lang namin ang mga estudyante at may mga sibilyan para hindi sila maipit sa gulo," ani Mama.

Hindi rin daw ito sympathy attack kasunod ng nangyayari sa Marawi City dahil hindi raw kaanib ng BIFF ang teroristang Maute. 

Pinangungunahan ang puwersa ng BIFF ng mga komander na sina Abunawas Damiog alias Bayawak, Abu Zaiden, at isang tinatawag na Sala. 

Ayon naman sa militar, sinamantala ng BIFF ang kakulangan ng tropa sa Cotabato.

"They were taking advantage of the situation that we have a very slight -- lightly defended outpost, and they think our forces are elsewhere in the province," ani Padilla. 

Nauna nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na mayroong 40 militante mula sa BIFF at Ansar Al-Khilafah Philippines na nakianib sa grupong Maute na nakikipagbakbakan ngayon sa Marawi City. 

Nasa 190 kilometro ang layo ng Pigkawayan mula sa lungsod ng Marawi. -- Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.