Anti-Distracted Driving Act, ipatutupad muli sa Hulyo 6

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 07:53 PM

Muling ipatutupad sa Hulyo 6 ang Republic Act 10913 o ang Anti-Distracted Driving Act.

Ito ay matapos mailathala sa mga pahayagan ngayong araw ang revised implementing rules and regulations (IRR) nito.

Sa ilalim ng batas, huhulihin ang driver na gumagamit ng mobile device o anumang device habang umaandar ang sasakyan, nakahinto sa stop light, o kaya'y sa intersection.

Itinatakda rin ng batas na dapat klaro ang windshield at walang isasabit at ilalagay sa dashboard. Kung maglalagay man, hindi ito dapat lalagpas sa sukat na apat na pulgada mula sa baba ng dashboard. 
 
Hindi naman huhulihin ang mga gumagamit ng mobile device sa pamamagitan ng earphones at speaker phones.

Unang ipinatupad ang batas noong Mayo 18 ngunit nagkagulo sa pag-intindi ng batas ang mga motorista kaya sinuspinde ng Department of Transportation ang pagpapatupad nito noong Mayo 23. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.