9 katao, nailigtas sa conflict zone sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 07:28 PM

MANILA - Siyam na katao ang nailigtas mula sa conflict zone sa Marawi City nitong Miyerkoles.

Tiniyaga umano ng siyam na katao na magkulong sa kanilang bahay sa loob ng isang buwan, ayon sa ulat ni Edwin Sevidal ng ABS-CBN News.

“After one month doon sa kanilang bahay ay sabi nila, ‘Magsusuicide na kami, magpapakamatay na kami.’ Dahil wala na silang pagkain tapos napakadelikado raw ng lugar, maraming bombahan, maraming barilan at maya’t-maya ay kinakatok daw sila ng Maute,” ani Sevidal sa ulat sa DZMM.

Naglakad umano ang mga nailigtas papunta sa tulay ng Raja Madaya, kung saan nasa kabilang dulo ang 1st Batallion ng Philippine Army na sumagip sa kanila.

Sinundan umano ng mga na-rescue ang isang loudspeaker na nagaanunsyo sa mga sibilyan na lumabas sa kanilang mga bahay sa pagitan ng alas-syete ng umaga at alas-tres ng hapon. Nanawagan umano ang loudspeaker sa wikang Tausug, Maranao, Bisaya at Tagalog.

“May mensahe rin [ito] sa Maute group na parang ‘sumuko na kayo para matapos na ang kaguluhang ito.’ Habang sila raw ay naglalakad, tuloy ang barilan sa pagitan ng Maute at gobyerno,” ani Sevidal.

Dagdag ni Sevidal, matapos mailigtas ang mga sibilyan ay pinoproseso sila ng Criminal Investigation and Detection Group. Kung sila ay sugatan, maaari silang dalhin sa Amai Pakpak Hospital o sa provincial capitol.

“Iyung Amai Pakpak, bagama’t bukas na, iyung pagpunta, seguridad at kung papapasukin din sila agad-agad ang problema. Napakalapit niyan sa conflict zone,” ani Sevidal.

May isang buwan na ang bakbakan sa Marawi City ngunit apat na barangay pa rin ang hawak ng Maute group, ayon kay regional military spokesman Lt. Col. Joar Herrera.

May tinatayang 500 sibilyan pa ang naipit sa loob ng lugar ng bakbakan. Higit 230,000 na residente na ang lumikas habang 26 na sibilyan na ang namatay sa gitna ng bakbakan. 

Patuloy pa rin ang opensiba ng militar laban sa mga terorista mula sa Maute at Abu Sayyaf Group, na nag-umpisang makipagputukan laban sa mga puwersa ng gobyerno noong May 23. --Ulat mula kay Edwin Sevidal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.