PatrolPH

4 sundalo sugatan sa ambush ng hinihinalang NPA

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 10:16 PM

TACLOBAN CITY - Sugatan ang apat na sundalo sa isang ambush ng hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) sa Catarman, Northern Samar nitong Martes.

Ayon sa Police Regional Office 8, nangyari ang ambush alas-nueve ng gabi habang dumaraan sa nasabing lugar ang sasakyan ng mga sundalo.

Nasugatan ang 4 na sundalo na kasapi ng 20th Infantry Battalion.

Hindi pa pinangalanan ang mga nasugatan na sundalo habang isinasagawa pa ang imbestigasyon sa pangyayari.

Sugatan naman ang isang sundalo sa Carigara, Leyte, matapos ang pagsalakay ng mga hinihinalang NPA, Lunes ng gabi.

Sinalakay ang Squad Task Group Alpha ng 78th Infantry Battalion sa Brgy. Paglaum, Carigara habang nagsasagawa ng community service.

Patuloy pang ginagamot ang sugatang sundalo sa isang hospital.

Dahil sa magkasunod na pang-aatake ng mga rebelde, inutusan na ang bawat istasyon ng pulisya na paigtingin pa ang pagbabantay sa pakikipagtulungan sa mga sundalo sa bawat lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.