PatrolPH

Magkakatabing tindahan, nasunog sa Cartimar sa Pasay City

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2021 11:15 PM

MAYNILA - Aabot sa kalahating milyong pisong halaga ng mga paninda at kagamitan ang tinupok ng apoy matapos masunog ang isang dalawang palapag na gusali sa Cartimar Plaza, Barangay 39, Pasay City.

Ayon kay Fire Inspector Alejandro Ramos ng Pasay City Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng gusali pasado alas-7 Linggo ng gabi.

Mabilis umanong kumalat ang apoy dahil gawa sa kahoy ang ilang bahagi nito.

Umabot ang sunog sa ikalawang alarma at naapula bandang alas-9 ng gabi.

Sa inisyal na imbestigasyon, anim na unit ang nasunog. Inaalam naman kung ilang tindahan ang naapektuhan.

Tiniyak naman ng BFP na walang nasaktan sa insidente. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang dahilan ng pagsiklab ng apoy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.