PatrolPH

Mag-ama sa Maynila, sabay nagpabakuna ngayong Father's Day

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2021 11:04 AM

MAYNILA - Maagang pumunta sa isang mall sa Maynila ang pamilya De Guzman para magpabakuna ngayong araw ng Linggo, Father's Day. 

Ayon kay John Lawrence de Guzman, isang call center agent, 2 a.m. pa lang dumating na sila ng kaniyang tatay, nanay at isa pang kapatid sa mall. 

Ilang beses na aniya sila pumunta sa mga vaccination site, pero laging naaabutan ng cut-off. Ngayong Father's Day, pasok silang magpamilya sa 1,000 slots sa mall. 

Pagdating sa vaccination site ay inihiwalay muna silang apat dahil magkakaiba sila ng priority category. Si Lawrence ay nasa essential workers (A4) category, at ang ama niyang si George ay nasa senior citizen (A2) category. 

"Yung anak ko, nandyan at asawa ko, dalawang anak ko nandyan. Sabi ko, sana makapasok tayo," ani Tatay George.

"Magkaroon ako ng proteksyon sa COVID, hindi lang para sa akin, s'yempre sa mga kasama ko, sa asawa at anak at mga tao," pahayag niya. 

Plano ng pamilyang mag-celebrate pag-uwi sa bahay at umorder ng pagkain para iwas na rin sa COVID-19.

"Memorable din itong Father's Day na ito kasi sabay-sabay kami magkakaroon ng vaccine," ani Lawrence. Thank you sa Papa ko kasi kung wala siya, wala din ako dito."

KAUGNAY NA BALITA

Watch more on iWantTFC
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.