PatrolPH

Iloilo City kulang sa health workers, gamot, equipment - mayor

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2021 12:32 PM

Nagpasaklolo na ang lokal na pamahalaan gn Iloilo City sa Department of Health dahil sa kakulangan anila ng health workers, gamot, at equipment sa mga ospital.

Sa panayam ng TeleRadyo ngayong araw ng Linggo, sinabi ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas na kahit nagbigay na ng dagdag na health workers ang DOH at nag-hire na ang lokal na pamahalaan, hindi pa rin ito sapat para punan ang pangangailangan.

Puno na aniya ang 10 ospital sa lungsod kaya nagkukulang ang kanilang health workers, lalo na ang mga nurse.

Gumagamit na ng mga hotel ang ilang ospital para doon ilagay ang pasyente, ayon sa alkalde.

Ayon kay Treñas, ang Iloilo City ang regional center ng Western Visayas region kaya hindi lang mga taga-lungsod ang nagpupunta o nao-ospital doon.

Kulang na rin umano sa supply ng gamot at equipment, tulad ng ventilator at high-flow oxygen, ang ilang ospital.

Problema rin, ayon sa alkalde, ang hindi nababayarang utang ng Philippine Health Insurance Corporation sa mga ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.