PatrolPH

Mga positibo sa COVID-19 saliva testing ng Red Cross isasama na sa nat'l tally

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2021 12:00 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Isasama na umano ng Department of Health (DOH) sa national tally ng COVID-19 cases ang mga nag-positibo sa saliva test ng Philippine Red Cross (PRC).

Sa panayam ng TeleRadyo, ipinaliwanag ni PRC consultant Dr. Michael Tee na nag-abiso sa kanila ang DOH na idadagdag na sa bilang ng mga kaso ang mga positibo sa saliva testing ng humanitarian organization.

Umabot na umano sa 365,000 ang naisagawang saliva testing ng PRC mula nang maaprubahan ito ng DOH noong Enero.

Ayon kay Tee, magagamit ang saliva collection sa mga probinsiya, lalo sa mga lugar na kakaunti lang ang molecular laboratory.

Posible aniyang dumarami ang mga kaso ng COVID-19 sa labas ng National Capital Region dahil na rin sa kakulangan ng testing.

Puwede nang gamitin ng mga local government unit ang saliva testing at kailangan lang makipag-ugnayan sa Red Cross, ani Tee.

Noong Sabado, nakapagtala ang bansa ng 6,959 dagdag na kaso ng COVID-19 para sa kabuuang higit 1.3 milyong kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.