Umano'y pagdodoble ng natatanggap na ayuda mula sa SAP, tinitingnan na: DSWD

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 01:48 PM | Updated as of Jun 20 2020 02:00 PM

Tinitignan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang umano'y pagdodoble ng pangalan ng ilang beneficiaries sa Social Amelioration Program (SAP), ayon kay Social Welfare Undersecretary Rene Paje nitong Sabado. 

Ito'y matapos maiulat ang umano'y pagdodoble ng 22,000 pangalan sa listahan ng SAP na nakatanggap na ng ayuda sa gitna ng COVID-19 crisis. 

"Pinag-iigi po ng DSWD ang pag-validate o 'yong pagproseso sa duplication... Sa ngayon po ang mga tala ng mga nalaman nating mga duplicate ay pinagbigyan nating alam sa mga kinauukulan lalo na sa mga [local government units] upang sila ay makagawa ng aksyon at either mabawi o maitala ang mga pangalan na ito," sinabi ni Paje sa Laging Handa public briefing.

Dagdag pa ni Paje, titignan nila kung ang ilang mga nadobleng pangalan ay bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), kung saan nagbibigay ng buwanang tulong ang gobyerno sa mga pinakamahihirap na pamilya.

"Kung ito po naman kasi ay mga regular beneficiaries natin katulad ng 4Ps ay mababawi po natin sapagkat hindi naman na natin isusunod 'yung kanilang kabayaran sa buwan na darating kaya kung anong halaga 'yong nadoble sa kanila ay mababawi po natin," ayon sa opisyal.

"'Yung mga hindi naman po kasapi sa 4Ps, 'yung LGUs po ang tututok sa kanila sapagkat 'yon po naman ay nasasakupan nila," dagdag pa niya.

Ayon kay Paje, ang ahensiya ay nakipag-koordinasyon na sa mga lokal na pamahalaan at gagabayan ng teknolohiya upang masinsin ang isyu.

Samantala, iniulat ng opisyal na gumugulong na ang ikalawang tranche ng pamimigay ng ayuda. Sa ilalim ng SAP, dalawang beses makatatanggap ang nasa 18 milyong mahihirap na pamilya ng ayuda mula P5,000 hanggang P8,000.

Target ng ahensiya na maibahagi ang ayuda sa Metro Manila, Region 3 maliban sa Aurora, Region 4A, Benguet, Pangasinan, Iloilo, Bacolod, Davao City, Albay at Zamboanga City, aniya.

Layunin ng SAP na matulungan ang mga Pilipino para matugunan ang kanilang pangangailangan sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.