Umano'y iregularidad sa COVID-19 data, itinanggi ng DOH

Arra Perez , ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 03:59 PM

MAYNILA - Iginiit ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire nitong Sabado na naging transparent ang ahensya sa paglalabas ng COVID-19 data "simula't sapul." 

Ito'y sa gitna ng mga katanungang lumutang sa datos ng Department of Health ukol sa dami ng mga kaso ng coronavirus disease sa bansa, kabilang na ang mga sinabi ni Dr. Tony Leachon, na dating adviser ng National Task Force on COVID-19 response.

Ayon kay Leachon, hindi 'real-time' ang datos na nailalabas ng DOH na nagiging basehan ng mga desisyon ng gobyerno ukol sa quarantine protocols. Sa ngayon, ang datos ay magkahalong "fresh" at "late" cases.

Bagamat aminado si Vergeire na may mga delay sa ibang COVID-19 data dahil sa validation, hindi naman ito masasabing iregularidad.

Sa Laging Handa Briefing, sinabi ni Vergeire na may prosesong pinagdaraanan ang datos kayat mahalaga ang papel ng LGU sa pagkumpleto sa report. 

"Kailangang maintindihan ng mga kababayan na ang datos nagmumula pa sa lower-most level of facilities, sa mga barangay, aakyat sa munisipyo, sa region, aakyat sa national government," aniya.

Samantala, walang impormasyong maibigay ang DOH ukol sa subpoena ng Office of the Ombudsman kaugnay ng imbestigasyon nito kay Health Sec. Francisco Duque at ilang health officials. 

Siniguro naman ni Vergeire na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon. 

"Binigyan po kami ng pamantayan, instructions na hindi kami puwedeng mag-disclose ng any information ukol sa bagay na ito. 
Ang DOH po ay naging transparent simula't sapul dito sa ating pagpapatupad ng response natin for the pandemic. Kung mayroon man tayong mga kailangan ibigay as information, kami ay makikipagtulungan," ani Vergerie.

Una rito, sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na magpapadala na ito ng subpoena sa DOH at Department of Budget Management para masuri ang disbursement ng pondo ng pamahalaan para sa COVID-19 response.

Iniimbestigahan ng Ombudsman ang mga alegasyon ng pagkukulang ng DOH sa pagtugon sa COVID-19 crisis.