TINGNAN: ‘Light pillars’ namataan sa Masbate

Kevin Alabaso, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 09:44 PM

Namataan sa Dao, bayan ng Balud, Masbate, ang atmospheric optical phenomenon na tinatawag na “light pillars” nitong Biyernes, Hunyo 19, bandang alas-8 ng gabi.

 

Ayon sa nakakuha ng retrato na si Jeromie Cagayan, siya ay pawang lumabas lamang ng kaniyang bahay para maghanap ng signal sa kaniyang cellphone nang mapansin niya ang kamangha-manghang pangyayari.

“[N]ang makarating ako sa parte ng aming barangay na mayroong signal reception, bigla kong natanaw ang kakaibang liwanag na ‘yan,” ani Cagayan.

“[D]ali-dali akong tumakbo ng bahay para kunin ang aking camera at nakakuha ako ng ilang shots hanggang sa tuluyan itong naglaho.”

Dagdag pa ni Cagayan, gumamit siya ng Canon EOS Kiss X4 para makuhanan ang pangyayari.

Mabilis namang nakuha ng larawan ang atensiyon ng mga netizens kung saan ikinumpara nila ito sa “Aurora borealis” o mas kilala bilang “Northern lights” na karaniwang nakikita sa high-latitude regions. 

Ayon sa AccuWeather, ang light pillars ay “optical phenomenon caused when light is refracted by ice crystals.” 

Hindi na bago ang pangyayaring ito sa Pilipinas dahil noong Hunyo ng nakaraang taon, namataan din ang light pillars sa Sulu.