PatrolPH

‘Tao lamang’: Leachon, humingi ng paumanhin kay Duterte

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 10:52 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Humingi ng paumanhin si Dr. Tony Leachon kay Pangulong Rodrigo Duterte, ilang araw matapos magbitiw sa puwesto bilang special adviser ng National Task Force on COVID-19 response.

“Kung sumama ang loob ng Pangulo sa sinabi ko, humihingi po ako ng paumanhin. Tayo po ay tao lamang. Nobody is perfect. Ang ginagawa ko lang is to call out lang naman ’yung pagkukulang ng Department of Health tungkol sa data management prioritization, at saka sa execution of plans na sinusugan naman ng Ombudsman,” pahayag ni Leachon.

Sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo Sabado ng umaga, sinabi ni Leachon na kahit wala na siya sa puwesto ay patuloy niyang susuportahan ang pamahalaan sa laban nito para masugpo ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Rest assured, I will help you in any way para ma-solve itong crisis na ito,” sabi niya.

Naniniwala si Leachon na sa loob ng halos tatlong buwan ay malaki rin ang kaniyang naging ambag sa organisasyon.

Ayon sa ipinalabas na pahayag ni COVID-19 policy chief implementer Sec. Carlito Galvez, inalis si Leachon sa task force dahil sa kaniyang “preemptive releases of some information” bago pa man ianunsiyo ng gobyerno.

“Pinanghahawakan ko ’yung utos sa akin na to have a divergent opinion. Kaya divergent ’yung opinion ko kasi that was my marching orders din to give a different opinion apart from the opinion ng ibang tao,” paliwanag ng doktor.

Naunang sinabi ni Leachon na dapat na mag-“step up” si Health Secretary Francisco Duque III at dinggin ang boses ng tao habang ang bansa ay humaharap sa ikalawa nitong COVID-19 epicenter sa Cebu. Bukod dito, naghayag din ng opinyon si Leachon hinggil sa data management ng DOH.

“Kung ’yun po ay pagkakamali that led to my dismissal, tinatanggap ko po,” sabi niya.

Pero nanindigan siya na kinakailangan ang pagkakaroon ng real time at granular data na makatutulong nang husto sa mga magiging desisyon ng task force.

“Ang buhay mabilis lang ’yan. Dapat may sense of urgency ka. Kaya ko naman sinasabi lagi ’yung real and granular data kasi milyong-milyong Pilipino naaapektuhan nito. Kung ang data na nilalagay mo luma, hindi ka magagabayan dito nang maayos. Ang pinag-uusapan natin dito hindi lang isa o dalawang buhay,” sabi niya.

Ipinagtataka rin niya kung bakit mayroon pa rin backlog ng fresh at late cases ang DOH.

“I think it’s my moral responsibility as special adviser to shout out and call out and it would be a great disservice to the President and to the IATF kung hindi ko iko-call out ’yung ahensiya ng Kalusugan,” giit niya.

Iminungkahi rin ni Leachon na sana ay maimbitahan din ang serbisyo ng ilang eksperto para makatulong sa DOH.

“Sa America po ’pag nanonood ako sa CNN, nakikita ko nagpapalit yung data every second tulad ho sa NAMFREL. ‘Yun ang inaambisyon ko. If we could get that technology ’yung kagaya sa NAMFREL, if we could get more encoders, epidemiologists para tulungan ’yung Department of Health para sa ganu’n ’yung data na ilalabas natin real time na po at granular,” saad niya.

Samantala, naka-move on na aniya siya at handa na muling harapin ang adbokasiya sa COVID-19.

“Ipagpaptuly ko advocacy sa coronavirus kasi ito ang worst healtlhcare crisis in history,” sabi ni Leachon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.