Furniture warehouse natupok sa San Pedro, Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 10:14 AM | Updated as of Jun 20 2020 08:00 PM

Watch more in iWantTFC

Sumiklab ang sunog sa isang warehouse ng furniture sa Magsaysay Road, Barangay San Antonio, San Pedro, Laguna umaga ng Sabado.

Ayon sa San Pedro City Fire Station, alas-6:30 ng umaga nai-report sa kanila ang sunog. Itinaas ang ikatlong alarma alas-6:55 ng umaga.

Sa mga video na ibinahagi sa Teleradyo, makikita ang malaki at makapal na usok na nagmumula sa warehouse.

Malapit sa Holiday Homes Subdivision ang sunog pero hindi naman na kumalat ang apoy sa mga bahay.

Maga-alas-2 nang hapon nang ideklarang fire-out ang apoy. 

Lumalabas sa imbestigasyon na nagsimula ang sunog sa production area ng pabrika. 

Walang nasaktan sa insidente, pero nagaalala ang empleyadong si Elmer Malbas na maaapektuhan ang kaniyang trabaho. 

Kababalik lang kasi ng kanilang operasyon noong Hunyo 15 matapos luwagan ang lockdown protocols sa lugar. 

“‘Yung pamilya may mga umaasa sa amin, siyempre tigil ang trabaho namin tapos ngayon krisis pa,” ani Malbas. 

Tumanggi na munang magbigay ng pahayag ang may-ari ng pabrika. 

Inaalam pa ang sanhi at halaga ng napinsala sa sunog. 

— May ulat nina Michael Delizo at Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.