Relief packs handog ng NGO sa mga tatay na tsuper para sa Father's day

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 02:49 PM

Handog ito ng People for Accountable Governance and Sustainable Action na layong makatulong sa mga tsuper na umaaray sa lockdown. Larawan mula sa People for Accountable Governance and Sustainable Action 

MAYNILA - Binigyang ayuda ng isang non-government organization nitong Sabado ang ilang tsuper na ama na nahinto ang pamamasada dahil sa coronavirus lockdown bilang regalo para sa Father’s Day sa Linggo. 

Aabot sa 40 jeepney driver na may biyaheng Centris Station - Quezon Avenue ang nabigyan ng food packs na may bigas, canned goods, tinapay, gulay, at iba pang mga pagkain. 

Handog ito ng People for Accountable Governance and Sustainable Action na layong makatulong sa mga tsuper na umaaray sa lockdown. Bawal pa rin pumasada ang mga tsuper kahit na nasa ilalim na ng mas maluwag na general community quarantine ang Metro Manila at maraming lugar.

"Talagang ang gusto ng ating mga driver at kahit naman tayo lahat, ibalik 'yung kabuhayan natin lalong lalo na ng ating mga driver na makabalik sila sa pamamasada. Hindi tama na sabihin na humanap na lang sila ng ibang trabaho,” ani Pagasa volunteer CJ Despuez. 

Bibisita rin ang grupo sa mga namamasada ng jeep sa Project 2 sa Quezon City para ipamahagi ang parehong relief packs.

Magpapatuloy ang pagiikot ng Pagasa sa mga driver hanggang Linggo, mismong Father's Day. Nasa 100 driver pa ng jeep, tricycle, at bus ang balak nilang maabot sa Maynila at Muntinlupa. 

Iba't ibang pribadong negosyo ang tumutulong sa Pagasa para sa kanilang programa. 


— Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.