Planta na ilegal umanong nagre-refill, nagbebenta ng LPG sinalakay sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 07:04 PM

Watch more in iWantTFC

Sinalakay ng mga awtoridad ang isang planta sa Imus, Cavite na nadiskubreng ilegal umanong nagbebenta at nagre-refill ng liquefied petroleum gas gamit ang tatak at pangalan ng ibang kompanya. 

Sumalubong sa mga tauhan ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group ang mga refilling machine, mga tangke ng LPG at mga trak nang pasukin ang SMSY Shine Gaz Refilling Plant sa Barangay Buhay. 

Sa bisa ng search warrant, ikinasa ng CIDG ang operasyon matapos makatanggap ng reklamo noong isang linggo na ilegal na nagre-refill at nagbebenta ng LPG ang nasabing planta. 

Pineke rin umano ang ilang mga tangke at selyo. 

"Pinakita sa atin 'yung genuine and peke na ginagawa nila,” ani Lt. Col. Jay Dimaandal ng CIDG. 

Hindi naman nadatnan sa planta ang may-ari na target ng operasyon. 

Tumanggi namang magpa-interview ang mga empleyado ng planta. 

Napag-alaman ding na-raid ng NBI ang planta dahil sa ilegal na pagbebenta ng LPG. 

Ayon sa Brand Protection Agent ng Petron Corp. na si Jonathan Dulay, matagal nang lantaran ang ilegal na pagkarga ng LPG, na mas mura ang halaga. 

Dagdag ng Petron, ilang beses na silang nagpatulong sa lokal na pamahalaan sa pag-isyu ng mga babala at cease and desist order ng planta. 

"Sa Cavite normally everyday loses ng legit distributor pumapalo sa P5 (million) to P6 million a day, sa Maynila nasa P11 million,” ani Dulay. 

Aabot sa P4.6 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang gamit. 

Ayon sa CIDG, posibleng tuluyan nang maipasara ang planta. 

Haharap sa patong-patong na kaso ang may-ari ng planta at 20 iba pa laban sa Intellectual Property Rights Law at kasong pamemeke ng at ilegal na pagre-refill at paggamit ng tangke ng LPG. 

— Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.