‘Pagkordon, pangungutya’ sa tinitirahan ng ilang nagpositibo sa rapid test inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 07:13 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Nang magpositibo sa rapid test ang ilang miyembro ng pamilya ni Cecila Catan noong Hunyo 12, agad umanong kinordonan ng mga tauhan ng Barangay 587-A sa Sta. Mesa sa Maynila ang labas ng kanilang bahay. 

Ipinalibot umano sa kanilang bahay ang tali, at naglagay din umano ng silya ang barangay. 

Reklamo ni Cecilia, bagama’t naiintindihan niya ang pag-iingat ng barangay, hindi tama umano ang pamamahiya sa kaniyang pamilya. 

"Sumisigaw sila, ‘Oh, walang lalabas!’... Pero tiniis ko. Ang sabi ko, ‘Sige gawin mo na kung ano ang sa tingin niyong dapat,” aniya. 

Ang ibang nakatira sa compound na nagnegatibo sa virus, agad na inilipat sa isang daycare center. 

Pero pati ang mga ito ay pinahiya umano ng barangay. 

“Lahat sila nagsisisigaw doon, ‘ ’Wag na ’wag kayong gagalaw ng gamit diyan sa day care, ’wag kayong gagalaw ng TV, ng electric fan, ’wag na ’wag kayong mag-iinom diyan kundi tatawag ako ng pulis’,” ani Catan. 

“Nanlilimos ba kami sa barangay? Hindi naman! Para saan pa na ganiyan kami tratuhin?”

Wala rin umanong ibinigay na pagkain o kahit anong tulong ang barangay ilang araw na ang lumipas. 

“Walang ibang tutulong kundi kami-kaming magkakapatid. Pero marami rin tumulong sa labas, mga kaibigan namin, mga kasama sa simbahan na tumulong nag kusa,” ani Catan. 

Noong Huwebes, inalis na ang mga silya pero alinsunod umano sa utos ng kapitan ay nagmistulang preso umano sila dahil may harang pa rin. 

Naghain na ng reklamo ang pamilya sa Manila Barangay Bureau at sa Special Mayor’s Reaction team ng Manila Police District. 

Pero sa isang text message, pinanindigan ng kapitan na si Alan Unarse na hindi siya umabuso sa kapangyarihan. 

“MPD already made their investigation and made no comment. There was no abuse and my actions were all discretionary. Tomorrow, DILG team will investigate,” ani Unarse. 

Pero ayon kay Maj. Jun Ibay ng MPD-SMaRT, malinaw na ipinagbabawal sa lungsod ang kahit anong uri ng diskriminasyon laban sa mga residenteng nagpositibo o inoobeserbahan sa COVID-19. 

“Mayroon nang emotional and psychological distress kaya po dapat inaalalayan at inaalagaan din ng barangay,” ani Ibay. 

Malinaw rin aniya na mali ang ginawa ng barangay nang kurdonan at harangan ang bahay ng pamilya. 

“Serious illegal detention or illegal detention pagka napatunayan sa korte na sila ay nag-violate,” ani Ibay. 

Ang mapapatunayang lumabag ay pagbabayarin ng P5,000 o posibleng makulong nang 6 buwan. 

— Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.