Nasa 300 stranded individuals dumagsa sa PH Army headquarters

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 10:46 PM

MAYNILA - Aabot sa 300 stranded individuals ang dumagsa sa labas ng Philippine Army headquarters sa Taguig City nitong Sabado.

Inabutan sila ng ABS-CBN News na nagkukumpulan sa gilid ng kalsada sa labas ng kampo dala ang mga bagahe at iba pang kagamitan. 

Nais nilang makapasok sa loob ng Philippine Army gym na ginawang temporary shelter para sa mga stranded individual, pero hindi sila pinapapasok dahil puno pa umano ang gym.

Ayon sa isang overseas Filipino worker (OFW) na si Aurelia Gambota na taga-General Santos City, wala na silang pangtustos sa accommodation at pagkain kaya nagbabakasakaling makahingi ng tulong mula sa Philippine Army.

“Gusto naming mag-apply ng trabaho sa ibang bansa, pero naabutan kami ng pandemic na COVID-19 kaya hindi kami natuloy. Gusto sana naming makauwi sa bawat naming pamilya," aniya.

Ayon sa isang tauhan ng Philippine Army, maaari naman mapapasok ang ilan sa kanila basta may ilang stranded individuals ang lumabas na. 

Hindi umano maaaring ma-accommodate ang lahat dahil kailangang panatilihin ang physical distancing sa loob ng gym.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.