Mga spa maaari nang magbalik-operasyon sa Bacolod City

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 10:07 AM

Pinahihintulutan na sa Bacolod City ang limitadong operasyon ng mga spa at iba pang personal care services matapos ang tatlong buwan na pagsasara habang naka-lockdown sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pinirmahan ni Bacolod City Mayor Bing Leonardia ang executive order 43-A na nagsasabing puwede na magbukas muli ang mga massage parlor sa lungsod.

Bukod dito, maaari na ring magbukas ang mga sauna, facial care at waxing services.

Paliwanag ng alkalde, ang Bacolod ay nasa modified general community quarantine (MGCQ) na kaya pasok ang mga spa at iba pang personal care services sa maaari nang mag-operate.

Pero nilinaw sa kautusan na dapat 50 porsiyento capacity lang o kalahati lang muna ng mga bilang ng customer ang puwedeng pumasok sa loob ng establisimyento sa parehong oras.

Pinaalala din ng alkalde ang tamang mga safety at health protocol. Bawal din ang 24-hour operations dahil sa ipinatutupad na curfew na mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga.

Ayon sa Department of Trade and Industry Memorandum Circular 20-33, sa ilalim ng MGCQ maraming industriya na ang maaring magbukas, kabilang ang mga massage parlors at sauna, pero dapat 50 porsiyentong capacity lamang.

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.