Medical staff ng Ospital ng Palawan, nagpositibo sa COVID-19

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 03:35 PM

Isa na namang kaso ng COVID-19 ang naitala sa Puerto Princesa City.

Inanunsyo nitong Sabado ng Puerto Princesa City Inter-Agency Task Force on COVID-19 na nagpositibo sa sakit ang isang medical staff sa Ospital ng Palawan.

Base ito sa resulta ng swab sample gamit ang RT-PCR GeneXpert confirmatory testing nitong Biyernes.

"Ang patient natin na 'to mayroon din po siyang kaunting sintomas. Mayroon po siyang tinatawag natin na dry cough, at 'yung kaniyang sore throat o pananakit ng lalamunan ay unti-unti nang hindi na pares nung mga ilang araw na po. So, sabi nga natin itong pasyente na 'to hopefully ay makapagpagaling na po kaagad ng dire-diretso," ani Dr. Dean Palanca, incident commander ng local IATF.

Naka-isolate na ngayon ang pasyente habang naka-quarantine na rin ang iba pang mga nakasalamuha nito. Nagsasagawa na rin ng contact tracing para malaman kung saan niya nakuha ang sakit.

"Tayo'y mag-iimbestiga pa rin po, na ano po ang kaso na 'to. Pero ang masasabi natin na possible local transmission ito sa Puerto Princesa City," sabi ni Palanca.

Dahil dito ay lilimitahan na muna ng ospital ang kanilang operasyon partikular sa outpatient department.

"Hinihiling ko po ang tulong ng ibang munisipalidad na kung kaya pong doon sa ospital niyo po, doon po muna dahil ang outpatient department po limited na po ngayon... Sana po maintindihan ng ating mga kliyente o mga pasyente na lilimitahan lang hanggang sa emergency lang po, 'yung talagang kailangang-kailangan gamutin sa ating pasilidad," ani Dr. Audie Cipriano ng Ospital ng Palawan.

Samantala, kinumpirma ng Department of Health Mimaropa na 3 rin ang nagpositibo sa COVID-19 sa bayan ng Sofronio Española.

Sila ay pawang mga "locally stranded individual" na dumating noong June 5 at 14.

Paniguro ng awtoridad, maayos silang na-quarantine sa pasilidad ng bayan. Pinangungunahan naman ng lokal na pamahalaan ang contact tracing sa mga nakasalamuha nila.

Sa ngayon ay mayroon nang 13 kaso ng COVID-19 sa Palawan.