Mas malinaw na EDSA concrete barriers ihinihirit sa harap ng mga aksidente

ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2020 05:18 PM | Updated as of Jun 20 2020 06:11 PM

MAYNILA - Nababahala ang road safety advocates sa mga napapabalitang aksidente kaugnay ng mga inilagay na concrete barriers na layong ihiwalay ang mga bus sa mga sasakyan. 

Sa harap ito ng mga napapaulat na insidente kung saan may mga namamatay o kaya nasusugatan dahil umano sa mga concrete barrier. 

Ayon sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority, nakapagtala sila ng 16 insidente na may kinalaman sa mga aksidente sa mga panibagong concrete barriers. Katumbas ito ng halos isa araw-araw, at 10 rito ang nangyayari tuwing gabi. 

Hirit ni Jun Estallo, NCR chapter president ng Philippine Road Advocates for Road Safety, na lagyan ng mas malinaw na marker o signage ang mga concrete barrier. 

"Parang sinasabi natin sa isang construction site, mayroon parang blinker na nagbibigay ng directional [guide] o warning. Kailangan masanay natin o ma-influence natin 'yung behavior ng mga motorista na 'wag silang papasok doon sa left lane,” ani Estallo. 

Inilagay ang mga naturang barrier para maisalang ang mga motorista sa mga augmented bus na bumabaybay sa EDSA sa gitna ng limitadong operasyon ng mga pampublikong sasakyan, ngayong naka-general community quarantine ang Metro Manila. 

Kabilang sa mga napaulat na insidente ang pagpanaw ng 22 anyos na si Kim Kristoffer Bernardo na sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa concrete barrier sa EDSA sa Mandaluyong. 

Huwebes naman ng gabi nang magkasunod na nagkabanggaan sa mga concrete barrier sa magkaibang bahagi ng EDSA. 

Una, inararo ng isang van na pa-Cubao ang 7 barrier sa Northbound pagkalagpas ng Guadalupe bridge. Sa lakas ng pagkabangga, tumagilid at nayupi ang van. Sugatan ang tatlong sakay nito. 

Nadiskubre pang may bote ng beer ang mga sasakyan. Aminado ang driver na nakainom ito. 

Makalipas nang 30 minuto, sumalpok din sa concrete barrier sa Southbound lane ng EDSA Cubao ang isang SUV. 

Depensa ng driver, hindi niya napansin ang mga barrier dahil wala itong reflector. 

Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, madalas na sanhi ng ganitong banggaan ang driver error, kung hindi umano sobrang bilis magpatakbo, nakainom o bigla itong lumilipat ng lane. 

"Maging alerto ho tayo, wag po tayo mag-inom at magmaneho, huwag po tayong mag-text at magmaneho, at higit po sa lahat, maging updated po tayo dahil ang bus lane po na dating nasa kanan ay nalipat na sa kaliwa," ani Pialago. 

Plano ng MMDA na magdagdag ng hazard marker sa mga barrier kasunod ng mga insidente. -- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.